Manila, Philippines – Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na isama sa 2019 national budget ang pondo para sa proyektong pabahay para sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Sa pahayag ng Office of the Speaker, iniutos umano ng Pangulo na isingit sa budget ang alokasyon para sa pabahay ng mga sundalo’t pulis sa ginanap na pulong kagabi sa Malakanyang kasama si Arroyo at ang iba pang lider ng Kamara.
Maliban dito, pinapo-pondohan rin ng Pangulo ang water system sa pabahay para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Tiniyak naman ni Arroyo sa Presidente na palalawigin hanggang sa katapusan ng 2019 ang validity ng P19.6 billion National Disaster Risk Reduction Management Fund para sa rehabilitasyon ng Marawi City na nakapaloob sa Joint Resolution ng Senado at Kamara
Tinalakay rin sa Pangulo ang ilan pang mga panukalang batas na nakabinbin sa mababang kapulungan kabilang ang pagsasagawa ng bicameral conference sa coco levy fund bill.