Manila, Philippines – Hinimok ni Quezon City Rep. Winston Castelo ang mga employers na maagang ibigay ang 13th month pay at Christmas bonus ng mga empleyado.
Ayon kay Castelo, makakatulong ito sa mga manggagawa at empleyado para maagang ma-budget ang mga bibilhin para sa Pasko at Bagong Taon.
Paliwanag ng mambabatas, karaniwang tumataas lalo ang mga bilihin tuwing papalapit na ang holiday season.
Bukod dito, napakaliit lamang din ng P25 na idinagdag sa arawang sahod ng mga empleyado sa Metro Manila.
Sinabi ni Castelo na kung maibibigay ng mas maaga ng mga employers ang 13th month pay at Christmas bonus, maliligtas ang publiko sa napakalaking ‘inconvenience’ dulot ng Christmas rush.
Batid ng mambabatas na karamihan sa mga employers ay hinihintay pa ang buwan ng Disyembre bago magbigay ng mga benepisyo sa mga empleyado.