Manila, Philippines – Hinikayat ng ilang miyembro ng simbahang Katolika si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na pangunahan ang laban sa umano ay mapang-abusong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kasunod ng pagkamatay nina Reverend Father Richmond Nilo, Reverend Father Mark Anthony Ventura at Reverend Father Marcelito Paez.
Ayon kay Father Robert Reyes, tila nag-iingat pa si Tagle sa kaniyang mga salita laban sa administrasyon.
Giit naman ng simbahan, laging nagsasalita si Tagle laban sa sunod-sunod na karahasan at pag-atake sa mga pari.
Iikot rin anila si Tagle sa mga komunidad para ipabatid ang mga nagaganap at humihingi rin ng tugon kung paano dapat harapin ang mga isyu ngayon.
Regular rin anilang kinakausap ni Tagle ang mga obispo hinggil sa priest killing at nagbibigay tulong sa mga diocese.