Manila, Philippines – Hinimok ni CIBAC Partylist Representative Sherwin Tugna ang liderato ng Kamara na pag-aralan kung sapat ba ang P5,000 na Pantawid Pasada Program na tulong para sa mga PUVs at jeepney drivers.
Kasunod ito ng pagpapatupad ng Department of Finance (DOF), Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng Pantawid Pasada Program kung saan ipapamahagi sa mga PUV at PUJ drivers ang fuel vouchers mula sa gobyerno para makaagapay sa epekto ng TRAIN Law.
Nais malaman ni Tugna kung sasapat ba ang limanlibong pisong fuel vouchers sa loob ng anim na buwan gayong patuloy ang pagtaas ng mga bilihin at serbisyo dulot ng TRAIN.
Handa aniya ang Kongreso na maghanap ng options at solusyon kung sakali man na hindi sasapat ang tulong na Pantawid Pasada ng pamahalaan.
Sa kabilang banda ay pinuri naman ng kongresista ang DOF, DOTr at LTFRB dahil nagkaisa na ang mga ito na ipatupad na sa wakas ang Pantawid Pasada Program sa ilalim ng TRAIN Law.