HINIMOK | Mga economic manager, hinamon na buhayin ang kanilang sariling pamilya ng P10,000 lamang kada buwan

Manila, Philippines – Hinamon ng MAKABAYAN sa Kamara ang mga economic managers na buhayin ang kanilang mga pamilya na may P10,000 lamang na budget kada buwan.

Ito ay kasunod ng pahayag ng National Economic Development Authority o NEDA na hindi matatawag na mahirap ang isang pamilya na may limang myembro kung may budget na P10,000 kada buwan.

Hamon ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa mga economic managers, subukang mamuhay sa loob ng kahit anim na buwan na may P10,000 lamang na budget kada buwan at saka sila magsalita kung ito ba ay sapat para buhayin ng marangal ang isang pamilya.


Masyado aniyang malayo sa katotohanan ang mga pag-aaral at figures na sinasabi ng NEDA sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino.

Giit naman nila ACT Teachers Rep. France Castro at Antonio Tinio, isang malaking insulto para sa mga manggagawa na kumikita lang ng P10,000 kada buwan na ma-i-classify sa above poverty threshold.

Sinabi ng mga kongresista na kahit anong palusot pa ang gawin ng pamahalaan ay hindi maloloko ang publiko sa anti-poverty na TRAIN Law at sa patuloy na pagbasura sa hinihinging dagdag na sahod.

Facebook Comments