Hinimok ni House Committee on Housing and Urban Development Chairman Albee Benitez ang mga state prosecutor na sampahan na ng kaso ang mga contractor at ang ilang tauhan at opisyal ng National Housing Authority (NHA) na sangkot sa maanomalyang P654.59 million housing development program para sa mga biktima noon ng bagyong Yolanda.
Mababatid na lumabas sa imbestigasyon ng Kamara na nagsabwatan ang NHA at mga contractor sa mga pinagawang pabahay sa mga biktima ng Yolanda kung saan sub-standard na materyales ang ginamit.
Ayon kay Benitez, pwedeng gawing basehan ng pagsasampa ng plunder charges sa NHA at mga contractors ang resulta ng imbestigasyon ng Kamara.
Giit ni Benitez, kailangang mapanagot sa batas ang mga contractors at government personnel na sangkot sa katiwalian sa pabahay sa tatlong munisipalidad sa Eastern Samar, ang Balangiga, Hernani at Quinapondan.
Malinaw aniya ang paglabag sa procurement laws dahil pag-award ng kontrata para sa housing projects sa mga hindi kwalipikadong infrastructure contractor.