Hirap sa paghahanap ng trabaho ng mga newly grad, dapat aksyunan agad ng gobyerno

Ikinabahala ni House Committee on Labor and Employment Chairman at Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ang report ng Commission on Human Rights (CHR) na hirap makahanap ng trabaho ang mga bagong nagsipagtapos ngayon.

Nakikitang dahilan ni Nograles ang naging kawalan ng face-to-face classes dahil sa pandemya kaya hindi natutunan ng mga estudyante ang nararapat na “soft skills” at practical job skills na kailangan nila sa pagtatrabaho.

Bunsod nito ay nanawagan si Nograles sa gobyerno na agad kumilos at gawan ng paraan na makahanap ng trabaho ang mga nagsipagtapos sa tinatawag na “pandemic generation”.


Iminungkahi ni Nograles sa pamahalaan ang pagkakaroon ng link o ugnayan sa iba’t ibang industriya na tutulong na mailatag ang mga skill o kakayahan na required sa mga bakanteng trabaho ngayon.

Pinalutang din ni nograles ang ideya na bumuo ng programa ang gobyerno na magpupunto sa “skills gaps” ng mga nagsipagtapos ngayon lalo na sa larangan ng komunikasyon, teamwork at critical thinking.

Facebook Comments