Inatasan na ni Pangulong Rodridgo Duterte sina Finance Secretary Carlos Dominguez at Budget Secretary Wendell Avisado na pag-aralan ang mungkahi na bigyan ng dagdag na ayuda ng pamahalaan ang mga mahihirap na pamilya.
Sabi ni Senator Christopher “Bong” Go, nagpapahanap na si Pangulong Duterete ng pondo para sa kaniyang panukala na palawigin ang Social Amelioration Program (SAP).
Ang mungkahi ni Go ay kasunod ng report ng National Economic Development Authority (NEDA) na 23 percent o 3.2 million ng mga nasa Metro Manila ang nakakaranas ng gutom bunga ng implementasyon ng mga quarantine measures.
Tinukoy ni Go ang report ng NEDA na 506,000 na manggagawa sa Metro Manila ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Giit pa ni Go na kailangang magbigay ang gobyerno ng dagdag na tulong sa harap ng paghihipit muli sa galaw ng taga-Metro Manila at karatig na lalawigan bilang tugon sa patuloy na lumolobong kaso ng COVID-19.
Kasabay nito ay nakikiusap si Go sa publiko na huwag maging kampante, pairalin ang disiplina, sundin ang mahigpit na health protocols at makiisa sa gobyerno habang nag-uumpisa na rin ang pagbabakuna.