Walang dahilan para magtaas ng presyo ng mga produktong pang-noche buena ang mga food manufacturer.
Ito ang iginiit ng grupong Laban Konsyumer kasunod ng hirit na isa (1) hanggang 18 porsyentong dagdag-presyo sa hamon, spaghetti, tomato sauce, elbow macaroni, creamer, sandwich spread, mayonnaise at fruit cocktail.
Sa interview ng RMN Manila, ikinatwiran ni Atty. Vic Dimagiba ang magandang palitan ngayon ng piso kontra dolyar na nangangahulugang mura ang imported raw materials at bagsak ang bentahan ng mga produktong petrolyo.
Mahalaga rin aniya na tingnan muna ang imbentaryo ng mga produkto dahil maaari namang sapat pa ang kasalukuyang suplay para sa holiday season.
Giit pa ni Dimagiba, hindi makatwirang magtaas ng presyo sa gitna ng pandemya lalo’t milyong-milyong Pilipino ang nakararanas ngayon ng gutom.
Kinastigo rin niya ang Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa halip na tutulan ang hirit ng manufacturers, ibinabalita pa ito ng ahensya na nagpapahaba lang sa usapin.
“May pandemic pa, ‘no? Halos buong taon, March tayo nag-umpisa eh, hanggang October bagsak ang demand eh and then there are 45 million Filipinos ang nagugutom. Palagay ko kailangang busisiing maigi ng Department of Trade and Industry ang mga kahilingan na ‘yan,” ani Dimagiba.
“Alam mo sakin, simple lang sa DTI ‘yan eh. Dapat ‘yan hindi na ibinalita na nagmumungkahi d’yan dapat ang balita, tinututulan namin ang mga petisyon na magtaas ng noche buena products,” dagdag pa ng consumer advocate.
Samantala, inaasahang maglalabas ang DTI ng Suggested Retail Price (SRP) ng noche buena items sa unang linggo ng Nobyembre.