Iginiit ng grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) na walang ginagawa ang pamahalaan para mapigilan ang nagtataasang presyo ng mga bilihin.
Ito raw ang dahilan kung kaya’t humihiling sila ngayon ng pagtaas sa minimum wage sa bansa.
Sa Interview ng RMN Manila, sinabi ni KMU Secretary General Jerome Adonis na dagdag-pasakit pa para sa mga Pilipino ang kasalukuyang kinakaharap na COVID-19 pandemic.
Hindi na rin aniya sapat ang minimum wage na ₱537 kada araw lalo na’t sa presyo pa lamang ng baboy ay aabot na ngayon sa higit ₱420.
Pagdating naman sa mga ipapasweldo ng mga maliliit na negosyo kung magkakaroon ng dagdag na sahod, dapat aniyang makialam na dito at tumulong ang gobyerno.
Samantala, naniniwala si Employers Confederation of the Philippines President Sergio Ortiz-Luis na malabo pang mangyari ang hinihinging umento sa sahod ng iba’t ibang grupo.
Karamihan aniya sa mga negosyo sa bansa ay nasa microbusiness at higit kalahati na nito ang nagsara dahil sa COVID-19 pandemic.