Hindi pa naaaprubahan ng Malakanyang ang rekomendasyon ni Department of Migrant Workers Secretary Abdullah Mama-O na i-recall ang appointment ng mga opisyal ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) kasunod ng pagiging isa ng mga tanggapan ng pamahalaan na tumutugon sa pangangailangan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Ito ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea ay dahil hindi pa naman ganap na buo ang Department of Migrant Workers.
Sa liham ng ipinadala ng kalihim, nakasaad na kailangan munang maabot ang ilang kondisyon para sa ganap na pagbuo sa bagong departamento.
Kabilang na dito ang pagkakaroon ng budget ng tanggapan sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act.
Kailangan din ang isang epektibong implementing rules and regulations at ang staffing pattern para sa departamento.
Dahil hindi pa ganap na buo ang departamento para sa migrant workers, ang mga tanggapan ng pamahalaan na pag-iisahin sa ilalim nito ay kailangan aniyang nananatiling operational at gampanan ang kanilang mandato.