Sinuportahan ni Senador Risa Hontiveros ang panukalang ibalik sa gobyerno ang kontrol sa power grid system ng Pilipinas sa harap ng paikot-ikot na problema ng publiko ukol sa rotating brownouts, habang mahal pa rin ang singil sa kuryente.
Sa pagdinig ng Senado ay iminungkahi ng Department of Energy (DOE) na amyendahan ang legislative franchise ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP at ibalik sa gobyerno ang kontrol sa sistema ng power grid ng bansa.
Kumbinsido si Hontiveros sa paliwanag ng DOE na sa nabanggit na hakbang ay mas mapapamahalaan ang ancillary services o reserba para sa grid at maaayos ang isyu sa cyber-security.
Giit ni Hontiveros, panahon na upang suriin ang ating mga polisiya at bigyan ng kapangyarihan ang gobyerno na gawin ang mga kinakailangang reporma dahil mukhang hindi nalutas ng privatization ang mga problema sa enerhiya ng ating bansa.
Diin ni Hontiveros, hindi tayo dapat magsawalang-bahala at panoorin na lang kung paanong paulit-ulit tayong binibigo ng NGCP at hindi ibinibigay ang serbisyong nararapat lang sa mga Pilipino.
Dismayado rin si Hontiveros na patuloy na sinisingil ang taumbayan para sa transmission pero may 71 delayed at 83 uncompleted transmission projects na dahilan kung bakit hindi nagiging sapat ang suplay ng kuryente sa Luzon.