Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na masusing pag-aaralan ang hirit na magpataw ng surge fee sa pamasahe sa traditional at modern public utility jeepney (PUJ) at public utility bus (PUB).
Kasunod ito nang inihaing petisyon ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) para sa dagdag-pasahe sa kada kilometrong biyahe tuwing rush hour o peak hours.
Sa isang pahayag, sinabi ng pamunuan ng LTFRB na nauunawaan nito ang hinaing ng mga drayber at mga operator na itaas muli ang pamasahe dulot nang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Giit ng LTFRB, patuloy nilang pag-aaralan ang mga petisyong at iba pang mga polisiya para sa kapakanan ng mga driver, operator at mga pasahero.
Naiintindihan din kasi ng LTFRB ang panawagan ng mga komyuter na ang muling pagtaas ng pamasahe ay lalong magpapahirap sa pang-araw-araw na gastusin.
Dagdag nito, bagama’t magkakaroon ito ng inflationary effect sa ekonomiya ng bansa, isinasantabi muna ito ng ahensya upang mahimay ang mga puntong inilatag ng transport groups sa naturang petisyon.