Pinakukuha ng isang kongresista sa buwis na itatakda sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) ang pondo para sa matagal na inaasam na dagdag sahod sa mga guro.
Ayon kay House Civil Service and Professional Regulation Committee Chairman Frederick Siao, matagal nang panawagan ng mga guro ang dagdag na P10,000 sa kanilang buwanang sahod.
Mangangailangan aniya ng P126 billion na pondo kada taon para sa pay hike ng mga public school teachers na maaaring hugutin sa buwis ng POGO.
Inirekomenda ni Siao na itakda sa batas na P126 billion ang share ng gobyerno mula POGO sector na direktang ilalaan sa taas-sahod ng mga guro.
Aniya, kakausapin niya si House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda para mapag-aralan ang panukala.
Imumungkahi rin ni Siao na ilagay na lamang bilang allowance o add-ons sa basic pay ang dagdag na P10,000 na sweldo upang maiwasan ang komplikasyon sa retirement funding.