Hirit na special audit ng NTF-ELCAC funds, sinuportahan ni Senator De Lima

Sinuportahan ni Senator Leila de Lima ang hiling ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Commission on Audit na isailalim sa special audit ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Giit ito ni De Lima sa harap ng plano ng Malacañan na doblehin o itaas sa P40 billion ang budget ng NTF-ELCAC para sa susunod na taon.

Punto ni De Lima, hindi na nga nagamit nang maayos ang P19.2 bilyong pondo ng NTF-ELCAC ngayong taon ay gusto pang doblehin sa 2022.


Inusisa din ni De Lima kung ang nasabing pondo ay ipambibili umano ng boto para sa 2022 elections.

Para kay De Lima, walang ginawang matinong programa ang NTF-ELCAC kundi maghasik ng lagim at takot sa publiko dahil kung sino-sino na lang ang inaakusahang komunista.

Mungkahi ni De Lima, ang malaking pondo na pinapalaan sa NTF-ELCAC ay mas mabuting gamitin para tulungan ang mamamayang Pilipino na makaahon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments