Siniguro ng Department of National Defense (DND) na bukas pa rin ang kanilang ugnayan sa University of the Philippines (UP).
Ginawa ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang pagtiyak matapos ang apela ng UP na suspendehin muna ang pasya nito na ibasura ang 1989 UP-DND Accord.
Ayon sa kalihim, hindi siya magsasalita ng tapos kaya pag-iisipang mabuti kung pagbibigyan o hindi na ang hirit na ito ng UP.
Matatandaang nakipagpulong si Lorenzana sa mga opisyal ng UP kasama si Board of Regents at Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera, nang nakaraang linggo para pagkasunduin ang magkabilang panig.
Pero una nang nanindigan si Lorenzana na wala nang dahilan para ituloy pa ang kasunduan dahil outdated na ito o hindi na naaayon sa kasalukuyang sitwasyon para magampanan ang layunin ng Accord.
Tiniyak naman ni Lorenzana na masusundan pa ang nangyaring dayalogo sa pagitan ng UP, CHED at DND pero wala pang ibinigay na petsa ang kalihim kung kailan ito mangyayari.