Manila, Philippines – Tatalakayin sa susunod na linggo ng Toll Regulatory Board (TRB) ang hinihiling na 21 porsyentong toll hike para sa mga class 1 na sasakyan na dumadadaan sa North Luzon Expressway o NLEX.
Ayon kay TRB spokesperson Alberto Suansing, ang hiling ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na toll hike ay bunsod ng nagkapatong-patong nilang petisyon noong, 2014 at 2016.
Base kasi aniya sa kontrata ng gobyerno at ng MPTC, maaari silang humiling ng toll hike kada dalawang taon.
Paliwanag ni Suansing, bago ipatupad ang toll hike isa sa kanilang binabalanse ang magiging epekto nito sa presyo ng pangunahing bilihin at sa pamasahe dahil ang NLEX ay pangunahing dinadaanan ng mga produktong mula sa norte.
Oras na maaprubahan ang toll hike, ang kasalukuyang P45 na singil mula Balintawak hanggang Marilao ay magiging P54 o may dagdag na P9.
Ang P429 mula Balintawak hanggang Tipo exit papasok ng Subic ay magiging P519 o may dagdag na P90.
Habang ang P340 na singil mula Balintawak hanggang Tarlac ay magiging P411 o dagdag na P71.