Ibinasura ng Department of Finance (DOF) ang hirit na tax exemption sa honoraria at allowance ng mga guro at iba pang indibidwal na magsisilbi sa May 9 elections.
Paliwanag ni DOF Policy, Research and Liaison office director Arvin Lawrence Quiñones, ang mga honoraria at benepisyo na ibibigay ng Comelec sa mga poll workers ay bahagi ng kanilang gross income na dapat kaltasan ng income tax.
Sinabi naman ni Atty Anne Loraine Garcia ng BIR Law and Legislative Division na hindi tama na babaan o di kaya i-exempt ang kahalintulad na professional fee dahil ang pagseserbisyo sa halalan ng mga guro ay labas na sa kanilang propesyon.
Ang mga naturang argumento ay kapareho sa isinumiteng position paper ng Department of Finance sa kongreso bilang tugon sa House Bill No. 9652 o ang panukalang tax exemption sa honoraria at iba pang benepisyo na ibinibigay tuwing halalan.
Tinatayang nasa 600,000 teaching at non-teaching personnel ang magsisilbi sa May 9 elections kung saan makakatanggap ang mga ito ng aabot sa 3,000 hanggang 7,000 pesos na halaga ng honoraria depende sa kanilang katungkulan.