Tiniyak ng grupo ng mga doktor na ito na ang huling hirit nilang 15-day ‘time out’ na nagsimula ngayong araw, August 4 at magtatagal ng August 18, 2020.
Kasabay nito ang muling pagsasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ng Metro Manila, Laguna, Cavite, Bulacan at Rizal.
Ayon kay Dr. Jose Santiago ng Philippine Medical Association (PMA), ito na ang huling time out na kanilang hihilingin kaya kailangan na nilang i-maximize at gawin ang lahat sa loob ng 15 araw.
Iginiit naman ni Dr. Maricar Limpin ng Philippine College of Physicians (PCP) sa publiko na hindi sila magpapatalo sa Coronavirus Disease dahil magiging kabiguan ito ng buong bansa.
Humihiling din ng dasal sa lahat ng mga Pilipino ang mga health workers ng bansa upang maipagpatuloy ang kanilang laban kontra COVID-19.
Sa kabila nito, pinaliwanag ni Department of Health (DOH) – Central Visayas Spokesperson Dr. Mary Jean Loreche na hindi kailangan ng mga medical workers sa Cebu City ang mag-time out.
Iba aniya ang sitwasyon sa kanilang rehiyon kumpara sa National Capital Region (NCR) sa kabila ng pagkakaroon din nila ng mataas na kaso.
Nakikipag-ugnayan kasi aniya sila sa mga component societies at binibigyan din ng mga incentives ang mga health workers na nakakatulong para tumaas ang kanilang moral.
Maliban dito, dinagdagan din ang tulong para sa gastusin ng mga health workers sa Cebu City na ma-o-ospital dahil sa COVID-19.
Nakakabawas din sa pasanin ng mga health workers sa Cebu City ang pagkakaroon ng mga bagong molecular laboratories at testing centers.