Ibinabala ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda ang higit na problemang maaring idulot ng hirit na pagtanggal ng value added tax (VAT) sa ilang mga produkto.
Pahayag ito ni Salceda, makaraang isulong ng Makabayan Bloc na itigil ang pagpataw ng 12% VAT sa asukal, tinapay, de lata at iba pang pangunahing bilihin gayundin sa mga gamot na tinukoy ng Department of Health na “essential” o madalas kailanganin.
Ayon kay Salceda, sa kasalukuyan ay exempted na sa VAT ang ilang produktong tinukoy ng Makabayan Bloc tulad ng asukal, karne ng baka, isda, asin, uling at firewood.
Diin ni Salceda ang panukala ng Makabayan Bloc ay lalo lamang magpapalala sa inflation o problema sa tumataas na presyo ng mga bilihin dahil aabot sa P86.4 billion ang mawawala sa kita ng gobyerno kapag ito ay naipatupad.
Paliwanag ni Salceda, kailangan ngayon ng gobyerno na mapataas ang koleksyon at hindi lalong mabawasan.