*Cauayan City, Isabela*- Muling pinaalalahanan ang publiko ng ilang eksperto sa medisina na umiwas sa mga pagkaing mamantika na posibleng pagmulan ng bad cholesterol at mauwi sa cardiovascular disease.
Kasabay ito ng pagdiriwang ng Philippine Heart Month ngayong Buwan ng Pebrero.
Ayon kay Dr. Herison Alejandro, Chief of Hospital ng Cauayan City District Hospital, mahigpit na pinagbabawal ang pagkain ng mga maaalat at mamantikang pagkain dahil sa posibleng pagbabara ng mga ugat sa puso dahilan para atakihin ang isang indibidwal.
Dagdag pa ni Dr. Alejandro, maikokonsidera din ang tiyansa ng mataas na porsyento ng pagkakaroon ng sakit sa puso kung may history ng nasabing sakit sa isang pamilya.
Paliwanag pa nito na walang pinipiling edad ang pagkakaroon ng itinuturing na isa sa mga sakit na ‘traydor’.
Ilan naman sa mga sintomas ng pagkakaroon ng sakit sa puso ay ang madaling mapagod, pagbibigat ng dibdib o chest pain, hirap huminga at nanlalamig.
Hinihikayat naman ang publiko na sakaling makaramdam ng ilang sintomas ay manyaring sumangguni agad sa mga doktor para mabigyan ng paunang lunas.