Hiwalay na pasilidad sa mga high-level offenders, lusot na sa Kamara

Iniakyat na sa Senado ang panukala para sa hiwalay na pasilidad sa mga tinatawag na “high-level offenders” matapos itong aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara.

Sa botong 222 na pabor at walang tumutol, pinagtibay ng mga kongresista ang House Bill 10355 na kapag naging ganap na batas ay magtatayo ng hiwalay na pasilidad para sa high-level offenders sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ang mga pasilidad ay ipinatatayo malapit sa military establishment o sa isang isla na hiwalay sa mainland kung saan malayo sa general population at iba pang mga inmates.


Layunin ng pagkakaroon ng hiwalay na gusali para sa mga matinding nagkasala o nakagawa ng krimen na matiyak na ligtas ang ibang mga inmates, correctional officers at staff.

Sa ganitong paraan ay maiiwasang makapaghasik ng kaguluhan, anumang krimen o aktibidad ang mga “high-level offenders” habang binubuno ang sentensya nila.

Pinapalakas din nito ang mandato ng Bureau of Corrections (BuCor) pagdating sa “safekeeping” o pagiingat at reporma para sa mga bilanggo.

Facebook Comments