Pinag-aaralan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang pagkakaroon ng hiwalay na programa para matulungan ang mga middle class ngayong pinalawig pa ang umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Sa virtual presscon ni IATF Spokesperson at CabSec Karlo Alexei Nograles, sa ngayon ay masusi na nila itong pinag-aaralan sa Task Force at inaalam kung saan huhugot ng pondo para dito.
Reaksyon ito ni Nograles sa apela ni Cavite Governor Jonvic Remulla na isali ang mga middle class earners sa mga maaayudahan ng tulong pinansyal ng pamahalaan dahil marami silang gastusin gayong hindi naman sila ganon ka well-off o kayaman.
Kasunod nito, saka-sakaling mabigyan ng ayuda ang mga kasapi ng middle class, tiniyak ni Nograles na hindi maaapektuhan ang pondo para sa mga pinaka mahihirap nating mga kababayan.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na balido ang hirit ni Gov. Remulla upang mabigyan din ng tulong ang ating mga middle class families ngayong inextend ang ECQ hanggang April 30, 2020.