Hoarders at price manipulators ng mga gamot, pinatutugis sa mga otoridad

Pinatutugis ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo sa mga otoridad ang hoarders at price manipulators ng mga gamot na gamit para tugunan ang COVID-19 symptoms.

Ang hirit ng kongresista ay sa gitna na rin ng ulat na nagkakaubusang suplay ng paracetamol na gamot sa lagnat na isa sa mga sintomas ng COVID-19.

Pinakikilos ni Hipolito-Castelo ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH), Philippine National Police (PNP) at Local Government Units (LGUs).


Giit ng mambabatas na mahigpit na ipatupad ng mga opisinang ito ang mga batas, regulasyon at local ordinances na nagbabawal sa hoarding at price manipulation ng mga gamot at consumer products.

Ipinaalala ng lady solon na noong nagsimula ang pandemya, ilang negosyo at mayayaman ang nag-hoard ng PPEs, mask at face shield dahilan kaya umakyat din ang presyo ng mga ito.

Kinakailangan aniyang maprotektahan ang kapakanan ng publiko lalo na mga mahihirap na mawawalan ng access sa gamot.

Para naman hindi mauwi sa hoarding, pinatitiyak ng mambabatas sa pamahalaan at manufacturers na may sapat na suplay ng COVID-19 medicines.

Facebook Comments