Umabot na 51,385 na buhay na baboy at 240,712 kilos ng carcass o kinatay na baboy ang nai-deliver na sa Metro Manila mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Sa virtual presser sa DA, sinabi ni Assistant Secretary Noel Reyes na nagsimula ito nang manawagan si Agriculture Secretary William Dar sa mga African Swine Fever free areas na magsuplay ng baboy sa Metro Manila para matugunan ang kakulangan at mataas na presyo .
Pinakamaraming suplay na ipinadala sa National Capital Region (NCR) ay mula sa CALABARZON na abot na sa 23,199 buhay na baboy, sinundan ng Western Visayas, MIMAROPA , SOCCSKSARGEN, Central Luzon at Bicol Region.
Nakapagpadala rin ang Zamboanga Peninsula, Central Visayas, Northern Mindanao, Cagayan Valley at Ilocos Region.
Pinakamarami namang carcass na ipinadala sa NCR ang Central Luzon, sinundan ng Bicol Region.
Ayon pa kay Reyes, kabilang na rito ang 7,766 live hogs at 28,112 kilos ng carcass na dumating pa kahapon sa Metro Manila.