Hog Raisers na Apektado ng ASF sa Ilang Barangay sa Isabela, Inayudahan ng DA

Cauayan City Isabela- Nabigyan na ng Indemnification Pay ang ilan sa mga Hog Raisers na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa bayan ng Gamu, Isabela.

Aabot sa mahigit P6-milyong pisong halaga ng tulong mula sa Department of Agriculture (DA) Region 2 ang ibinigay sa mga apektadong hog raisers mula sa limang barangay tulad ng Upi, Union, District 2, Linglingay at Mabini.

Sa panayam ng 98.5 iFM kay Exequiel Tabin, Municipal Agriculture Officer ng Gamu, Isabela, nang magkaroon aniya ng 2nd wave ng ASF sa Lalawigan ng Isabela ay halos lahat ng mga nag-aalaga ng baboy sa kanilang bayan ay naapektuhan at nalugi.


Sunod-sunod at sabay-sabay aniya noon ang pagkamatay ng mga alagang baboy nang muling tumama ang ASF sa kanilang lugar.

Ipinaliwanag naman ni Tabin na ang mga nabigyan ng indemnification pay ay mga napili ng DA batay na rin sa naging resulta ng kanilang ginawang blood sampling o pagsusuri sa mga lugar na tinamaan ng ASF.

Taliwas aniya ito sa mga impormasyon na pinili umano ng DA ang mga nabigyan base lamang sa kanilang kagustuhan.

Sinabi pa ni Tabin na istrikto ang nasabing ahensya sa pag-beripika sa mga naapektuhang hog raisers kung saan walong barangay lamang ang kanilang na-identify.

Para naman aniya sa mga naapektuhang magbababoy na hindi nakatanggap ng ayuda ay makakatanggap pa rin ng tulong pero depende aniya ito sa magiging tugon ng DA.

Gayunman, umaasa pa rin si Tabin na lahat ng mga apektadong hog raisers sa bayan ng Gamu ay mabigyan ng indemnification pay.

Facebook Comments