Manila, Philippines – Pinaalalahanan ngayon Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga pribadong employer hinggil sa tamang pay rules o pagbabayad sa kanilang manggagawa ngayong Nobyembre 30, Bonifacio Day.
Batay sa Labor Advisory No. 10, series of 2017 pursuant to Proclamation No. 269, na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte, idineklara ang pagdiriwang sa araw ng kaarawan ni Gat Andres Bonifacio bilang isang Regular Holiday sa bansa.
Dahil dito, inatasan ng DOLE ang mga empleyado na magpatupad ng karampatang pay rules sa nasabing araw.
Ayon sa DOLE, kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho sa nasabing araw, dapat siyang bayaran ng 100% ng kanyang sahod para sa nasabing araw.
Kung siya naman ay nagtrabaho sa nasabing araw dapat siyang bayaran ng 200% ng kanyang regular salary para sa unang walong oras ng kanyang pasok.
Kung mag-o-overtime naman o lampas sa walong oras ang kanyang trabaho, dapat siyang bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate.
Kung magtatrabaho naman ang empleyado sa Regular Holiday, na natapat sa kanyang rest day o day off, ay dapat siyang bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang daily rate na 200% .
Sakali namang nais niyang mag-overtime sa nasabing Regular Holiday na natapat sa kanyang araw ng pahinga, dapat pa siyang bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate sa nasabing araw.