HOLY WEEK BREAK | Bus drivers at mga biyahero, pinaalalahanan ng mga otoridad

Manila, Philippines – Bilang bahagi ng Oplan Ligtas Biyahe at mahigpit na anti-colorum drive, nagsagawa ng inspeksyon ang Inter-Agency Council For Traffic sa mga bus terminal sa Pasay City at sa Cubao, Quezon City ngayong Martes Santo.

Tulung-tulong ang MMDA, LTO, LTFRB, HPG, MTRCB at maging Philippine Army sa pagsita sa mga bus na may depekto at may problema sa kanilang pagbiyahe.

Sa isinagawang inspeksyon, nakitang walang headlight, sira ang seatbelt, kalbo ang gulong, crack ang windshield at kalbo ang spare tire ng ilang bus.


Kabilang dito ang isang unit ng A. Arandia Line na may biyaheng Pioduran sa Ligao, Albay; Batman Starexpress na may biyaheng Nasugbu at Tagaytay; at DLTB bus may byaheng Calbayog, Catbalogan at Tacloban.

Todo reklamo naman ang mga apektadong pasahero lalo’t ang iba ay maaga pa lang ay nakapila na.

Ininspeksyon din ng MTRCB ang mga bus upang matiyak na hindi maipapalabas ang mga malalaswang pelikula sa mga sasakyan.

Samantala, may bilin naman ang NCRPO sa mga residente sa Metro Manila na magbabakasyon ngayong Semana Santa.

Payo ni NCRPO Chief Oscar Albayalde sa publiko – tiyaking sarado maging ang kaliit-liitang pintuan o bintana ng iiwanang bahay upang hindi masalisihan ng masasamang loob ngayong Semana Santa.

Facebook Comments