Manila, Philippines – 25 special permit pa ang idinagdag ng Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB) para sa mga provincial bus na bibiyahe papuntang Mindoro ngayong Semana Santa.
Ito ay kasunod na rin ng pagkakasuspinde sa operasyon ng Dimple Star Bus dahil sa kinasangkutang aksidente sa Sablayan, Occidental Mindoro noong nakaraang linggo.
Sabi ni LTFRB board member Aileen Lizada, bukod pa ito sa nauna na nilang inisyu na 990 special permits.
Para naman maiwasan na mapagkalamang kolorum ang mga bus na binigyang ng special permit, may makikita aniyang numero sa unahan ng bus. Lalagyan din daw ang mga ito ng tarpaulin.
Matatandaan kasing tanging ang Dimple Star Bus lang ang bumibiyahe sa Occidental at Oriental Mindoro.
Kasabay nito, nilinaw ni Lizada na hindi mandatory ang pagbabayad ng karagdagang sampung piso para sa insurance sa mga provincial bus.