Magsasampa ng kaso ang Philippine Coast Guard (PCG) laban sa Hong Kong cargo vessel na bumangga sa bangkang pangisda ng mga Pilipino sa karagatang sakop ng Mamburao, Occidental Mindoro noong Hunyo 28.
Pahayag ni PCG Commandant Vice Admiral George V Ursabia Jr., mahaharap sa kasong kriminal ang mga operator at opisyal ng MV Vienna Wood-N.
“We are filing a case, we are gathering evidence, kasama iyong mga sworn statements ng mga manginigisda,” sabi ni Ursabia sa panayam ng GMA News nitong Biyernes.
“Iyong dalawang radar ng Vienna Wood, functioning naman. Hindi rin sila nagpadala ng service o rescue boat. Meron niyan ang malalaking barko,” pagpapatuloy niya.
Nakipag-ugnayan na rin ang mga abogado ng PCG sa mga mangingisda na sinubukang sagipin ang kanilang mga kasamahan.
Samantala, pinasalamatan ni Ursubia ang PCG Auxiliary Executive Squadron dahil sa tulong pinansyal na ibinigay sa pamilya ng mga nawawalang indibidwal.
Patuloy naman ang search and retrieval operations ng mga awtoridad sa 14 na tripulanteng sakay ng FV Liberty 5.