Hospital claims na tinanggihan ng PhilHealth mula January 2020, umabot sa 8.3 billion pesos

Mula January 1, 2020 hanggang nitong October 6, 2021 ay umabot na sa 8.3 billion pesos ang claims ng mga ospital na tinanggihan ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.

Sa budget hearing ng Senado ay sinabi ni PhilHealth President Dante Gierran na binibigyan naman nila ng 15 araw ang mga ospital para umapela at ayusin o repasuhin ang kanilang claims.

Ikinabahala naman ni Senator Nancy Binay na maaring magtulak ito sa mga ospital na singilin nang buo ang kanilang mga pasyente at hayaan ang mga ito na mag-refund na lang sa PhilHealth.


Diin naman ni Health Secretary Francisco Duque, mas maraming claims ang inaprubahan ng Philhealth.

Sa katunayan, ayon kay Duque, noong 2020 ay umabot sa 130 billion pesos ang kabuuang binayaran ng PhilHealth sa mga ospital.

Dagdag pa ni Duque, kung hahatiin ang 8.3 billion pesos sa 1,283 na ospital sa buong bansa na tinanggihan ng PhilHealth ang claims ay lumalabas na 6.2 million pesos sa kada taon.

Facebook Comments