Tumaas na rin ang hospital occupancy rates sa Regions 3 at 4 kasabay ng pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at kalapit na mga probinsya.
Ayon kay Health Undersecretary at Treatment Czar Leopoldo Vega, napipilitan na ang One Hospital Command Center, isang referral system para sa healthcare providers at medical transportation na iderekta ang mga COVID-19 patients sa Metro Manila sa Region 3 at 4.
Dahil dito, nagtayo na aniya ang DOH ng tent wards at tent Intensive Care Unit (ICU) sa mga government hospital para solusyunan ang punuan na isolation facilities sa Calabarzon.
Nabatid na mayroong 15,000 aktibong kaso sa rehiyon kung saan 10 hanggang 15 percent ng pasyente ay galing sa Metro Manila.
Kasabay nito, bibiyahe naman papunta sa National Capital Region (NCR) ang ilang medical frontliners mula Ilocos at Visayas para tumulong.
Sa Huwebes, Abril 8 ang dating ng unang batch ng health workers na binubuo ng 50 nurse.
Ang mga volunteer na frontliner ay makakatanggap ng dagdag 20 percent premium sa kanilang basic pay sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act.
Sasagutin naman ng DOH ang biyahe nila papuntang Metro Manila at ang mga tatanggap na ospital ang sasagot ng kanilang pagkain, tirahan at transportasyon.