Hospitalization ng mga magkaka-COVID, hiniling muli na sagutin lahat ng Philhealth

Kinalampag ni House Committee on Health Vice Chairman at Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor ang PhilHealth na bayaran ng buo ang pagpapa-ospital at gamutan ng lahat ng COVID-19 patients.

Giit ni Defensor, ang bagong case rate ng PhilHealth para sa mga pasyenteng nagkasakit ng COVID-19 ay hindi pare-pareho kahit nasa iisang kategorya.

Inihalimbawa ng kongresista ang critical pneumonia category kung saan may ibang pasyente na kinakailangang manatili pa sa ICU ng mas matagal at may pagkakataon na humihigit pa sa case rate package na P786,384 ang hospital bill.


Iginiit din nito na i-apply sa lahat ng COVID-19 patients ang No Balance Billing (NBB) o Walang Dagdag Bayad policy anuman ang insurance coverage nito sa PhilHealth.

Ibig sabihin, hindi dapat singilin ng kahit na sentimo ang mga pasyente na nagkasakit ng Coronavirus Disease mula sa simula hanggang sa matapos ang confinement ng mga ito.

Dagdag ng mambabatas, ang state-run health insurer ay may malaking pondo dahil bilyong piso ang inilalaan dito ng gobyerno kada taon.

Facebook Comments