House arrest para kay dating Senador Leila de Lima, ihihirit ng kanyang abogado

Ikinokonsidera ng kampo ni dating Senador Leila de Lima ang pag-apela sa korte na isailalim na lamang siya sa house arrest.

Ayon kay Atty. Filibon Tacardon, abogado ng dating senador, kakausapin nila ngayong araw si De Lima upang talakayin ang mga posibilidad na humiling sa korte na isailalim siya sa house arrest matapos ma-hostage ang senador ng isa sa mga preso na nagtangkang tumakas sa custodial facility ng Philippine National Police (PNP).

Aalamin din ng legal team ni De Lima ang sinasabi ng Department of Justice (DOJ) at PNP na may alok umano nito na extended furlough o leave of absence sa dating senador mula pa noong Hulyo.


Ani Tacardon, wala silang alam sa sinasabing extended furlough na inaalok ng pamahalaan.

Umaasa rin aniya ang kampo ni De Lima na dahil sa pangyayari kahapon ay mapagbibigyan na ang kanilang hiling sa Muntinlupa branch 256 na payagan itong makapagpiyansa.

Samantala, ipinagpaliban ng Muntinlupa Regional Trial Court ang pagdinig kanina sa mosyon ni dating Sen. Leila de Lima na makapagpiyansa sa kanyang drug case.

Facebook Comments