House Committee on Appropriations, mabilis na inaprubahan ang panukalang 2023 budget ng Office of the Vice President; panukalang pondo naman ng DepEd, lusot na rin sa House Committee on Appropriations

Mabilis na inaprubahan ng House Committee on Appropriations ang panukalang P2.3 bilyon na 2023 budget ng Office of the Vice President (OVP).

Ang naturang budget ng OVP para sa susunod na taon ay 223% na mas mataas kumpara sa pondo ng nasabing ahensya ngayong 2022.

Nag-mosyon kanina si House Minority Leader Marcelino Libanan na i-terminate ang pagdinig para sa 2023 budget ng OVP bilang kortesiya sa pangalawang pangulo, habang ang interbelasyon naman ay isasagawa na lamang sa plenaryo.


Nagpasalamat naman si VP Duterte sa Kamara sa pagsuporta sa mga proyekto at aktibidad ng OVP, kaya’t tiniyak niya na bukas ang kaniyang tanggapan sa anumang pagtutulungan sa mga mambabatas para sa kani-kanilang distrito o partylist.

Samantala, aprubado na rin ng House Committee on Appropriations ang panukalang 2023 budget ng Department of Education (DepEd).

Pinangunahan ni VP at DepEd Sec. Duterte ang paglalatag ng mga detalye ng 2023 budget ng nasabing ahensya, kung saan para sa susunod na taon ay aabot sa P709.7 bilyon ang panukala ng kagawaran.

Pasado alas-dose ng tanghali, nag-mosyon si Cagayan de Oro City Representative Rufus Rodriguez na bigyan ng karagdagang pondo ng DepEd at ibalik na ang higit sa P80 bilyon na tinapyas.

Kinatigan naman ito ng mga miyembro ng House Committee on Appropriations at nagpasalamat naman ang bise presidente sa mga mambabatas.

Kasunod nito, humiling din si Duterte na ibigay sa DepEd ang dagdag na P100 bilyon na pondo para malutas ang mga problema sa basic education.

Facebook Comments