House Committee on Good Government and Public Accountability, nilinaw na hindi puntirya ng pagdinig nito ang sampahan ng impeachment si VP Sara

Nilinaw ng House Committee on Good Government and Public Accountability na hindi naman nito puntirya ang paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinabi ito ni Committee Chairman at Manila 3rd District Rep. Joel Chua kaugnay sa una niyang pahayag na may nakikitang batayan ang komite para masampahan ng reklamong impeachment si VP Sara.

Sabi ni Chua, pagbalangkas o pagreporma sa batas ang layunin ng ikinasa nilang pagbusisi sa umano’y kwestyunable o maling paggamit ni VP Sara sa pondo, partikular sa confidential funds.


Ayon kay Chua, ang basehan ng impeachment ay lumutang na lamang sa takbo ng kanilang pagdinig kung saan hindi maipaliwanag ang paggastos ng ₱125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.

Binanggit din ni Chua ang paggamit sa ₱15 milyon sa confidential funds ng Department of Education sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara bilang reward sa mga impormante; at ang ₱16 milyon na ginastos ng OVP sa pagbabayad ng renta ng mga safe house sa loob ng 11 araw noong 2022.

Facebook Comments