
Idineklara ngayon ng House Committee on Justice na sufficient in grounds ang ikatlo at ika-apat na impechment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Paliwanag ni Luistro, nangangahulugan ito na may sapat na batayan o dahilan para ituloy ang impeachment proceedings.
Kaya naman ini-anunsyo ni Luistro na magsasagawa na sila ng impeachment hearings sa March 25, April 14, 22 at 29.
Bago magbotohan ay binigyang diin ni Luistro na mahigpit na nasunod ang due process kung saan binigyan ng pagkakataon ang lahat na magpaliwanag kasama si VP Duterte na binigyan ng tsansa na sagutin ang mga alegasyon sa kanya.
Ayon kay Luistro, naghain naman si VP Sara ng 15-pahinang Consolidated Verified Answer Ad Cautelam na pirmado ng 16 nyang mga abogado.
Bumilis ang proseso dahil ang mga complainants ay hindi na nagsumite ng reply sa naging tugon ni VP Sara.
Ito ay dahil wala naman anilang naging direktang sagot si VP sa mga akusasyon laban sa kanya kundi pawang general denial lamang.
Binanggit ni Luistro na hindi lang binasa kundi inaral na mabuti ng lahat ng bumubuo sa komite ang mga reklamo at sangkaterbang dokumentong kalakip nito bago sila nagpasya na ang mga ito ay sufficient in form and substance at ngayon ay sufficient in grounds.
Ang ikatlong reklamong ay inihain ng mga pari, madre at abogado sa pangunguna ni Father Joel Saballa na inendorso ni Rep. Leila de Lima.
Ang ika-apat na reklamo naman ay inihain ni Atty. Nathaniel Cabrera at inendorso nina House Deputy Speaker Paolo Ortega V at Manila Rep. Benny Abante.










