Manila, Philippines – Hinikayat nila House Committee on Youth and Sports Development Chairman Eric Martinez at Vice Chairman Jericho Nograles ang publiko na suportahan ang mga Pilipinong atleta sa gaganaping 30th SEA Games.
Ito ay sa kabila ng kaliwa’t kanang problema na iniuugnay sa nalalapit na pinakamalaking sporting event sa bansa katulad ng mga hindi natapos na imprastraktura, pagkain, accommodation, transportation at iba pa.
Ayon kina Martinez at Nograles, batid nila ang ilan sa mga aberya sa SEA Games pero nakakalimutan na ng mga Pilipino na kailangan ng moral support ng ating mga Pilipinong atleta.
Sinabi ni Martinez na dapat ay ma-highlight din ang mga magagandang mangyayari sa bansa sa SEA Games lalo na ang winning goal kagabi ng batang football player na si Dennis Chung.
Ipinagmalaki pa ng mga kongresista na maraming mga imprastraktura ang natapos na tulad ng gymnastics area, tennis football field, tennis court at Ninoy Aquino Coliseum na nakahanda na sa mga gagawing sports.
Nababahala ang mga mambabatas na kung naka-focus lamang tayo sa mga negatibong nagaganap sa SEA Games ay maaari itong makaapekto sa performance ng ating mga atleta.