
Target ng House of Representatives na maipasa sa susunod na buwan ang mga panukalang batas na tutugon sa energy crisis.
Ayon kay Marikina Rep. Miro Quimbo, na siyang Presiding Officer ng Legislative Energy Action and Development (LEAD) Committee, kasama sa kanilang ikinokonsidera ang panukalang suspendehin ang 12-percent value-added tax (VAT) at iba pang price reduction methods.
Sa nagpapatuloy na hearing ngayon ng Deca-Tri Committee, sinabi ni Quimbo na bukas ang Kamara sa lahat ng policy options.
Pero diin ni Quimbo, ang lahat ay dapat maingat na pag-aralang mabuti upang makita ang magiging epekto nito sa pananalapi ng bansa at kung epektibong magpapababa sa presyo ng langis at iba pang bilihin na makakagaan sa pasanin ng mamamayang Pilipino.
Sa hearing ngayon, hihingin ng komite ang update sa suplay ng enerhiya sa bansa gayundin sa subsidy at ayuda programs.
Tututukan din sa pagdinig ngayon ang sektor ng transportasyon na pangunahing umaaray sa tumataas na presyo ng langis, gayundin ang sitwasyon ng pagkain, agrikultura, at pangisdaan sa bansa.










