Maaga ang panawagan ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa Senado na agad talakayin at aprubahan ang Bayanihan 3 Bill oras na maipasa ito sa ikatlong pagbasa sa Kamara.
Mamayang alas-3:00 ng hapon, magsisimula ang pagtanggap ng amendments sa panukala matapos na maaprubahan ito sa joint hearing ng House Committee on Economic Affairs at House Committee on Social Services kahapon.
Nakapaloob dito ang “Ayuda For All Filipinos” o P1,000 na ayuda sa lahat ng 108 milyong Pilipino na dalawang beses ipamamahagi sa pamamagitan ng digital payments.
“They really have to discuss this and approve this because this is for the good of everyone. This is the lifeline that we are giving for every Filipino,” ani Rodriguez sa interview ng RMN Manila.
Kumpiyansa naman si Rodriguez na makakalikom ng sapat na pondo ang pamahalaan para maipatupad ang Bayanihan 3.
“’Yon din ang sinabi sa Bayanihan 1 at Bayanihan 2, wala tayong pera but we were able to produce. Here we are going to get funds from… GOCCs, Bangko Sentral. Nakaya nga natin e, Bayanihan 1, P400 billion ang total na nabigay niyan and then Bayanihan 2 was about a hundred billion so ito, kayang-kaya ito.”