
Umarangkada na ang ikatlong araw ng deliberasyon ng House Committee on Justice sa mga impeachment complaints laban kay Sara Duterte.
Ngayon ay tinatalakay ng komite kung sufficient in substance ang ikaapat na reklamo laban kay VP Duterte na inihain ni Nataniel Cabrera at inendorso nina Representatives Paolo Ortega at Benny Abante.
Sa pagsisimula ng deliberasyon, pinaalalahanan ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang mga miyembro na hindi lugar ng imahinasyon at pantasya ang pagdinig dahil ang proseso ng impeachment ay tungkulin ng institusyong iniaatas ng Konstitusyon.
Binanggit ni Luistro ang kontrobersyal na pahayag ni Quezon City Rep. Bong Suntay tungkol sa aktres Anne Curtis, na nag-ugat ng reaksiyon habang isinasagawa ang deliberasyon sa ikatlong impeachment complaint laban kay VP Duterte kahapon.
Kaugnay nito, iginiit ni House Justice Committee vice chairperson Ysabel Maria Zamora na walang puwang sa pagdinig para sa mga bastos at hindi tamang pahayag, lalo na kapag inaapektuhan ang dignidad ng kababaihan. Paalala niya sa mga kasamang mambabatas na iwasan ang ganoong uri ng pananalita anumang oras at saanman.
Inaasahan na ngayong araw ay magsasagawa na ng botohan ang komite kung sufficient in substance ang dalawang reklamo laban kay VP Duterte na naunang idineklara nang sufficient in form.










