
Nagpasya ang House Committee on Justice na ipagpaliban hanggang bukas ang pagboto kung sufficient in substance ang dalawang verified impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Batangas Rep. Gerville Luistro, chairperson ng komite, layon ng pagpapaliban na bigyan ng sapat na panahon ang mga miyembro ng komite upang pag-isipan, unawain, at masusing suriin ang mga nailatag na komento at opinyon kaugnay ng mga reklamong impeachment laban sa pangulo.
Ngayong araw, tinalakay ng komite ang unang impeachment complaint na inihain ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jett Nisay.
Para sa ilang miyembro ng komite, hindi umano malinaw na naipaliwanag ni Rep. Nisay kung paano nagawa ni Pangulong Marcos ang mga alegasyong nakapaloob sa reklamo.
Kabilang sa mga binanggit na paratang ang umano’y pagpapadukot kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at pagdadala nito sa International Criminal Court, pagiging umano’y drug addict ng pangulo, hindi pag-veto sa unprogrammed appropriations sa mga national budget mula 2023 hanggang 2026, umano’y pakinabang sa kickbacks mula sa flood control projects, at ang paglikha ng Independent Commission for Infrastructure upang umano’y protektahan ang mga tiwaling kaalyado.
Puna ng ilang mambabatas na kasapi ng komite, ang mga alegasyon laban sa pangulo ay ibinatay lamang sa mga news article at opinion columns, at hindi sapat na sumusuporta sa mga constitutional grounds for impeachment gaya ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust.
Bago ang nakatakdang botohan bukas ng hapon, uunahin muna ng komite ang talakayan sa ikalawang impeachment complaint laban sa pangulo na inihain ng Makabayan Coalition at inendorso ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc.










