Hinimok ni Speaker Lord Allan Velasco ang mga kasamahang kongresista na tiyaking magiging ligtas at maayos ang gaganaping 2022 eleksyon sa kanilang mga distrito.
Ang panawagan ng kongresista ay kasunod ng pagsasara ng sesyon kahapon para bigyang daan ang campaign period ngayong Pebrero.
Apela ni Velasco sa mga kongresista, gawin ang kanilang papel na siguruhing mapayapa, maayos, ligtas at eco-friendly ang halalan sa Mayo.
Isa sa mga iminungkahi ng speaker ay baguhin ang paraan ng pangangampanya ngayong “new normal” kung saan dapat ay safe at virus-free ang election campaign at mga botante.
Ang mga myembro ng Kamara ay maaari aniyang magprisinta ng kanilang mga plataporma gamit ang social media at makilahok sa mga panayam at debate sa mga telebisyon at radyo.
Hinimok din ni Velasco ang mga mambabatas na iwasan na ang paggamit ng plastic o tarpaulin at flyers na makadaragdag sa plastic at paper wastes sa eleksyon.
Sa Mayo 23, magbabalik ang sesyon ng Kongreso kung saan magko-convene ang Kamara at Senado bilang National Board of Canvassers na naatasang magproklama ng incoming president at vice president ng bansa.