Tiniyak ni House Majority Leader Martin Romualdez na hindi makakaapekto sa isinusulong na speakership post ang pagiging malapit na kamag-anak nito kay presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Si Romualdez ay pinsan ni Marcos at siyang isinusulong ng mga malalaking partido sa Kamara na maging susunod na Speaker ng 19th Congress.
Ayon kay Romualdez, hindi magkakaroon ng “conflict of interest” ang pagiging kamag-anak ng susunod na pangulo ng bansa dahil ang Speakership post ay malayang pinipili at pinagbobotohan ng miyembro ng Kamara.
Kumpyansa ang mga nagsusulong kay Romualdez na maging Speaker na dahil malapit ito sa Ehekutibo, mas mapapabilis ang pagpapatibay ng mga urgent na panukala na makakatulong para sa ating ekonomiya.
Umaasa naman si Romualdez na mas malilimitahan ang mga panukalang batas na kanilang pagtitibayin na mabe-veto ng pangulo.
Samantala, pinagtibay naman ng PDP-LABAN ang kanilang suporta sa Speakership bid ni Romualdez.
Sa Mababang Kapulungan ay pinakamalaki pa rin ang bilang ng PDP-LABAN members na may 65 kongresista nagwagi sa katatapos na halalan.