
Hindi magbibigay ng anumang mga dokumento at mga impormasyon sa International Criminal Court o ICC ang House Quad Committee ukol sa imbestigasyon nito sa mga kaso ng extra judicial killings (EJKs) sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ito ang hindi natitinag na paninindigan ni Quad Committee over-all chairman at Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers sa harap ng paglilitis ng ICC kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa crimes against humanity.
Katwiran ni Barbers, hindi makikipagtulungan at hindi makikipag-ugnayan ang House Quad Committee sa ICC dahil ang Pilipinas ay hindi na miyembro nito.
Bunsod nito ay sinabi ni Barbers, na hindi obligado ang komite na magsumite ng mga dokumento at sinumpaang salaysay sa ICC.
Ayon kay Barbers, pwede namang magkaroon ng access ang ICC sa iba’t ibang social media platforms kung saan naka-live noon ang 13 pagdinig ng isinagawa ng House Quad Committee ukol sa madugong giyera kontra ilegal na droga na ikinasa ng Duterte administration.