Imbestigasyon ng Senado patungkol sa naging pag-aresto kay FPRRD, inaasahang hihilom sa mga sugat at bubuhay ng pagkakaisa ng mga Pilipino —Sen. Escudero

Umaasa si Senate President Francis Escudero na magiging daan para sa paghilom at muling pagkakaisa ang imbestigasyong isasagawa ng Senado patungkol sa ginawang pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa Huwebes, Marso 20, itinakda ng Senate Committee on Foreign Relations na pangungunahan ni Senator Imee Marcos ang pagsisiyasat patungkol sa naging paraan ng pag-aresto sa dating pangulo.

Ayon kay Escudero, kung para sa ikabubuti ang pakay ng imbestigasyon ay sang-ayon naman siya rito at hindi dapat maging hadlang ang pagkakaroon ng kaso sa korte para makapagsagawa ng mga ganitong pagdinig ang Kongreso.

Mainam din aniya ito para mabigyang linaw ang maraming katanungan, alinlangan at pangamba patungkol sa pagdakip ng Interpol kay Duterte.

Apela ni Escudero, sana ay hindi makadagdag sa paglalim ng sugat at hidwaan sa pagitan ng mga kababayan ang gagawing imbestigasyon ng Senado.

Nilinaw naman ng mambabatas na hindi niya pwedeng pigilan ang pagsasagawa ng motu-proprio investigation ng ibang mga komite dahil ito ay pinapayagan sa ilalim ng kanilang rules.

Facebook Comments