Tuesday, April 7, 2026

House Secretary General Garafil, binigyang-diin ang kanyang paggalang sa Office of the Ombudsman

Biniyang-diin ni House Secretary General Cheloy Garafil na malaki ang paggalang nya at ng kanyang tanggapan sa Office of the Ombudsman at sa mandato nito.

Tugon ito ni Garafil sa babala ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na sya ay posibleng masuspinde o mapatalsik sa pwesto dahil sa umano’y hindi pagtugon sa subpoena kaugnay sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng isang empleyado ng Kamara.

Ang naturang subpoena ay ipinadala ng Office of the Ombudsman bilang bahagi ng imbestigasyon sa flood control scam.

Diin ni Garafil, wala silang intensyong magpakita ng kawalang-galang o umiwas sa pagtugon kasabay ng pagtiyak na lahat ng opisyal na komunikasyon ay kanilang aasikasuhin nang naaayon sa mga tuntunin at may buong paggalang sa institusyon.

Paliwanag ni Garafil, ang mga komunikasyong ipinadadala sa House of Representatives ay tinatanggap at pinoproseso alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

binanggit din ni Garafil sa na sa kasalukuyan ay tuwing Martes at Miyerkules lamang ang onsite work sa Kamara bilang bahagi ng ipinatutupad na work-from-home arrangement kaugnay ng energy-saving measures.

Facebook Comments