Nagpahayag ng pagkadisyama si House Speaker Alan Peter Cayetano sa inihaing resolusyon ng European Parliament kaugnay sa umano’y pang-gigipit sa malayang pamamahayag sa Pilipinas.
Kasunod ito ng resolusyon na inihain ng European Parliament kung saan kinokondena nila ang pang-gigipit umano kay Rappler CEO Maria Ressa at ang isyu ng hindi pag-renew ng prangkisa ng broadcast network na ABS-CBN.
Bukod dito, nananawagan din ang European Parliament na magkaroon ng independent investigation sa mga kaso ng pagpatay sa bansa na iniuugnay sa war on drugs ng pamahalaan.
Ayon kay Cayetano, pinupuna agad ng European Parliament ang pilipinas nang hindi man lamang inaalam kung ano ang tunay na nangyayari sa bansa.
Ipinunto ng mambabatas na patuloy nilang pinapahalagan ang karapatan ng malayang pamamahayag kahit ang sa mga kritiko bilang bahagi ng demokrasya.
Sa kaso aniya ni Maria Ressa, hindi ito maituturing na isyu ng press freedom dahil sumusunod ito sa due process at dinidinig sa korte na nakabatay sa ating Konstitusyon.
Kasunod nito, ayon pa kay Cayetano walang kinalaman sa press freedom ang hindi pagbibigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN dahil sumailalim ito sa patas at masusing pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises.