Pinasalamatan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga kasamahan sa Kamara sa pagpapakita ng “multi-partisan support” sa kaniya matapos siyang mag-alok na magbitiw sa kaniyang puwesto.
Sa kanyang Facebook post, aminado si Cayetano na mabigat sa kaniyang puso na magtungo sa Batasang Pambansa nitong Miyerkules dahil alam niyang magre-resign siya at hindi niya nagawang matupad ang kaniyang pangako na ihatid ang 2021 budget.
Hindi niya inaasahang babaligtarin ng 184 mambabatas ang kaniyang desisyong magbitiw.
Sa kabila ng isyu sa Speakership, sinabi ni Cayetano na wala na siyang hihilingin pa dahil sapat na ang mainit na pagtanggap sa kaniya ng mga kapwa kongresista.
Welcome din para kay Cayetano na paggalang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naging botohan ng mga mambabatas na siyang nagtuldok sa kontrobersiya
Patunay lamang ito na tiwala ang Pangulo sa liderato ng Mababang Kapulungan.
Pagtitiyak ni Cayetano na ipapasa ang budget na “pork free,” “walang parked funds” at walang korapsyon.
Target ng Kamara na aprubahan ang 2021 General Appropriations Bill sa October, bago mag-break ang Kongreso.