House to house inoculation, pinag-aaralang gawin ng DOH

Pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) ang posibleng pagbabahay-bahay para sa pagbabakuna ng COVID-19 vaccine.

Sa ginawang pagdinig ng Committee on Health sa Kamara, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na exception lamang ito sa mga rules dahil kailangan pa ring sundin ang COVID-19 nationwide implementation na surveillance at monitoring ng adverse effects ng bakuna.

Magkagayunman, sinabi ni Duque na isa ang “house to house inoculation” sa ikinukonsidera ng ahensya para na rin sa kaligtasan ng mga vulnerable at high-risk na mga senior citizens.


Plano rin ng ahensya na makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) para naman sa paglalagay ng vaccination sites sa mga public elementary schools upang marami ang vaccination sites at mas madaling puntahan ng mga tao.

Target aniya ng mga itatalagang vaccination team na mabakunahan ang 100 pasyente sa isang araw.

Nakikipag-ugnayanna rin ang DOH sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa digitalization ng sistema mula sa masterlisting, pre-registration, at reporting ng mga adverse effects.

Ngunit aminado naman si Duque na hindi pa rin maiiwasan na mag-manual na paraan sa inoculation dahil maraming lugar sa bansa ang walang internet.

Facebook Comments